Johnson Best Import sa ABL
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paghihirap na ginawa ni Anthony Johnson para sa AirAsia Philippine Patriots nang hirangin siya bilang Best Import ng Regular Season sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL).
Tinalo ni Johnson sa botohan mula sa coaches ng anim na koponang kalahok sina Tiras Wade ng Westports Malaysia Dragons at Jonathan Jones ng Saigon Heat.
Ang 6’6 na si Johnson ay nagtala ng 23.7 puntos average at may season high na 34 puntos para ibigay sa Patriots ang ikalawang best record na 16-5.
Pero nagkaroon siya ng injury papasok sa Playoffs at ininda ito ng koponan tungo sa pagkatalo ng dalawang sunod sa kamay ng Indonesia Warriors sa Final Four.
“It’s an honor and I’m very grateful to win this award. There are a lot of good players in the ABL this year so it could have easily been someone else. So this is a blessing to me,” wika ni Johnson.
Ang Warriors coach na si Todd Purves at import Steve Thomas ang nanalo naman bilang Coach of the Year at Defensive Player of the Year.
Kinilala ang husay ni Purves nang maipasok ang Warriors sa finals kahit di maganda ang kanilang naging panimula habang si Thomas ang lumabas bilang top rebounder sa eliminations (14.67) upang kunin ang parangal laban kina Patriots Nakia Miller at Singapore Slingers Louis Graham.
- Latest
- Trending