MANILA, Philippines - Bagamat sibak na sa torneo, naglaro pa rin na may puso ang mga Aces para isama sa kanilang bakasyon ang Express.
Mula sa ipinosteng 32-15 kalamangan sa first period, hindi na nilingon pa ng Alaska ang Air21 patungo sa kanilang 110-80 panalo sa elimination round ng 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Ito ang unang panalo ng Aces, huling nanaig noong Mayo 27 mula sa kanilang 104-84 paggupo sa Barako Bull Energy, matapos ang kanilang anim na sunod na kamalasan.
“Our shots started to fall,” sabi ni coach Luigi Trillo, nakahugot ng 26 points kay balik-import Jason Forte.
Tinapos ng Alaska ang kanilang kampanya sa likod ng 2-7 record sa ilalim ng semifinalist nang Rain or Shine (7-1), B-Meg (5-2),Talk ‘N Text (4-3), nagdedepensang Petron Blaze (4-4), Powerade (4-4), Meralco (4-4), Ginebra (4-4), Barako Bull (3-4) at Air21 (2-6).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Llamados at Tropang Texters habang isinusulat ito.
Isinara ng Aces ang kanilang PBA season mula sa kabuuan nilang 11-24 baraha sa Philippine Cup, Commissioner’s Cup at Governors Cup.
Matapos kunin ang 32-15 bentahe sa first period, pinalobo ng Alaska, binigyan ni dating coach Tim Cone, ngayon ay mentor ng B-Meg, sa 25 puntos, 56-31, ang kanilang kalamangan sa dulo ng second quarter.
Naglista si Cyrus Baguio ng 17 points, tampok ang perpektong 4-for-4 shooting sa three-point range, sa first half para sa Aces.
(Russell Cadayona)
Alaska 110 - Forte 26, Baguio 24, Tenorio 19, Thoss 10, Cablay 9, Espinas 8, Baracael 4, Dela Cruz 4, Jazul 3, Eman 3, Thiele 0, Bugia 0, Gelig 0.
Air21 80 - Graham 25, Ritualo 11, Arboleda 9, Escobal 7, Faundo 6, Isip 6, Omolon 6, Sison 4, Menor 4, Espiritu 2, Bagatsing 0, Sena 0, Hubalde 0.
Quarterscores: 32-15; 56-32; 90-56; 110-80.