Tama Na, Sobra Na
Isang mabigat na hamon ang pinarating ni Pangulong PNoy sa ating mga atleta na sasabak sa darating na London Olympics.
Di man nakarating ang Pangulo sa formal sendoff party para sa mga atleta nung isang gabi ay binasa ni Jose Rene Almendras, ang ating Energy secretary, ang kanyang speech.
“As much as the Olympics is about international cooperation, we still want to win recognition for our country,” sabi ng Pangulo.
“And we want the athletes we are sending off today to do precisely that. We want them to stand atop the podium with medals around their necks,” dagdag ni PNoy sa kanyang speech.
Malinaw ang mensahe.
Gusto ni PNoy na manalo tayo ng medalya sa London Olympics na nakatakdang ganapin mula July 27 hanggang Aug. 12.
Medalya ang gusto ni PNoy, ito man ay maging ginto, pilak or tanso. Labing-isang Pinoy na atleta ang lalaban sa London sa boxing, swimming, track and field, archery, weightlifting, shooting, judo at BMX bike.
Matagal nang hindi nakapag-uuwi ng medalya ang atletang Pilipino mula sa Olympics. Di gaya nung araw, na maya’t maya ay nakakasungkit sila ng medalya.
Sunud-sunod na nag-deliver ang boxing sa Olympics. Nariyan si Leopoldo Serrantes (bronze) sa 1988 Seoul Olympics at nasundan ni Roel Velasco (bronze) sa 1992 sa Barcelona at Onyok Velasco (silver) sa 1996 sa Atlanta.
Pero yun na ang huli. Magmula noon at puro itlog na ang inuwi ng mga atleta natin mula sa Olympics.
Paulit-ulit ng sinabi ng mga matataas na sports officials natin na pagdating sa Olympics, ang importante ay ang camaraderie o ang pag-represent mo sa bansa mo sa maayos at malinis na paraan.
Sang-ayon ako dito pero hindi naman puwedeng puro ganito na lang ang statement na madidinig natin pagkatapos ng Olympics.
Nakakasawa na din, lalu na kung makikita mo ang iba nating mga kapitbahay sa Southeast Asia na nananalo ng medalya sa Olympics.
Sa Beijing Olympics nung 2008, ang Chinese-Taipei ay nakasungkit ng apat na bronze, ang Vietnam, Malaysia at Singapore tig-isang silver, at ang Thailand ay nagwagi ng dalawang gold at dalawang silver.
Malayo ang Pilipinas na ni walang nakuhang medalya at mukhang sa-wa na din si PNoy sa ganitong sitwasyon.
Please lang, mag-uwi naman kayo ng medalya.
Para everybody happy.
- Latest
- Trending