Rumaratsada Ang Rain Or Shine
Totoo nga ang Rain or Shine!
At wala na sigurong nagdududa pa sa kakayahan ng Elasto Painters na mamayani sa kasalukuyang 2012 PBA Governors Cup.
Aba’y inilampaso ng Rain or Shine ang defending champion na Petron Blaze, 103-82, sa kanilang pagkikita sa Lamberto Macias Sports and Cultural Center sa Dumaguete City noong Sabado. Iyon ang ika-pitong panalo ng Elasto Painters sa walong laro.
Bale ikatlong sunod na panalo iyon ng mga bata ni coach Joseller “Yeng” Guiao buhat nang sila’y payukuin ng Powerade Tigers.
At dahil sa tagumpay na iyon ay naseguro nila na sila ang magiging No. 1 team sa pagtatapos ng elimination round. Kasi nga, kahit na abutan pa sila ng naghahabol na B-Meg (na sa oras na isinusulat ang pitak na ito’y may 5-2 record), siguradong ang Elasto Painters pa rin ang magiging No. 1 bunga ng ‘win-over-the-other rule. Tinalo nila ang Llamados, eh.
Bago tumulak patungong Dumaguete City, marami ang nangamba kung kaya nga ba ng Elasto Painters na mapanatili ang sharpness nila laban sa Petron Blaze na may malalim na line-up.
Kasi nga, kung tao sa tao ang pag-uusapan, natural na maraming magsasabing angat ang Boosters. Ang daming superstars ni coach Renato Agustin, hindi ba?
Sa kabilang dako, panay role players ang mga bata ni Guiao.
Pero biruin mo iyon? Tambak ang score! Parang kayang-kaya ng Elasto Painters ang Boosters!
Dikdikan lang ang laro sa first half kung saan nagawa ng Boosters na makaabante, 47-44, sa halftime.
Pero mula third quarter ay nakontrol na ng Rain or Shine ang tempo. ito’y nang mapigilan nila ang import ng Petron na si Eddie Basden na umiskor.
Hindi nakagawa si Basden sa kabuuan ng second half matapos na magtala lang ng siyam na puntos sa unang dalawang quarters.
So, iyon talaga ang naging susi sa tagumpay ng Rain or Shine. Depensa!
Ang matindi pa rito ay ang pangyayaring hindi nagamit ng Elasto Painters ang kanilang prized rookie na si Paul Lee sa laro. Magugunitang si Lee ay nagtamo ng dislocated shoulder sa huling game nila kontra sa Barako Bull.
Kulang na nga ng isang mahusay na player ay nagawa pa rin ng Elastoi Painters na mamayagpag.
Pero kahit na sa kasalukuyan ay nasa tuktok ang Elasto Painters, mayroon pa ring nagsasabing hindi pa sila dapat magbunyi. Hindi pa sila nakakaliskisan ng todo.
Kasi, ang huling game ng Elasto Painters sa elimination round ay kontra sa Talk ‘N Text na ngayon ay unti-unting umaangat ang performance matapos ang masagwang simula. Halos hindi nagbago ang line-up ng Tropang Texters.
Kung malulusutan ng Elasto Painters ang Tropang Texters sa Hulyo 1, na siyang last playdate ng elims, marami na talagang bibilib sa kanila at maniniwala na kaya ng Rain or Shine na umabot sa Finals sa kauna-unahang pagkakataon buhat ng maging miyembro ng PBA.
Iyon naman talaga ang pinakahihintay ng mga team owners na sina Raymond Yu at Terry Que. Alam nilang sa dulo ng pagmamatrikula nila sa PBA ay makakatikim din sila ng Finals appearance. At malay natin? Baka makatikim na rin sila ng kampeonato sa PBA!
- Latest
- Trending