MANILA, Philippines - Kumpara sa pagdaraos ng rematch nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley, Jr., mas tatangkilikin ng mga boxing fans ang pang apat na pagtatagpo nina ‘Pacman’ at Juan Manuel Marquez.
Naniniwala si Mexican legendary trainer Ignacio 'Nacho' Beristain na mapaplantsa nina promoters Bob Arum at Fernando Beltran ang naturang Pacquiao-Marquez IV.
“Bob Arum and Fernando Beltran, the promoters of Pacquiao and Marquez, are intelligent and looking for good profits,” sabi ni Beristain. “I think it’s better to make the fourth fight between Marquez and Pacquiao.”
Idinagdag pa ng Mexican trainer na ang Pacquiao-Marquez IV ang muling hahatak sa mga boxing fans matapos madismaya sa kontrobersyal na split decision loss ng Filipino boxing superstar kay Bradley noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Right now there is a 80 percent chance that the fight will be made,” wika ni Beristain, ang chief trainer ng four-time world champion na si Marquez. “It’s a fight that generates more public interest and more money than a rematch with Timothy Bradley.”
May nakasaad na ‘rematch clause’ sa fight contract nina Pacquiao at Bradley na nakatakda sa Nobyembre 10.
Subalit wala pang desisyon ang Sarangani Congressman kung gusto muli nitong labanan si Bradley.
Tinalo ni Pacquiao ang 38-anyos na si Marquez via majority decision sa kanilang pangatlong pagkikita noong Nobyembre 12, 2011.
Ang laban pa rin kay Floyd Mayweather, Jr. ang ipinipilit ng legal counsel ni Pacquiao na si Atty. Franklin Gacal na maitakda.
“I think the fight with Floyd Mayweather should be on top of the agenda when he meets with Bob Arum next week,” wika ni Gacal kay Pacquiao.