MANILA, Philippines - Sisikapin ng San Miguel Beermen na itatak uli ang Pilipinas bilang pinakamahusay sa larong basketball sa rehiyon sa pagharap uli sa Indonesia Warriors sa Game Two ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Mahaka Square, Jakarta, Indonesia.
Kailangan na lamang ng Beermen na manalo sa Warriors sa kanilang alas-4 ng hapong tunggalian para itala ang pangalan bilang kampeon ng regional basketball league.
Unang kinilala bilang kampeon ang AirAsia Ph Patriots pero naisuko ng koponan ang titulo sa Chang Thailand Slammers sa second season.
Sariwa mula sa 86-83 panalo ang tropa ni coach Bobby Parks Sr. na nangyari noong nakaraang Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kumbinsido si Parks na mas maganda ang ipakikita ng kanyang bataan dahil nakasukatan na nila sa isang official game ang Warriors at mas may sapat na kaalaman pano nila ito tatalunin.
“I think we will be able to defend them better this time. But the important thing is we have to get off to a good start,” wika ni Parks.
Sina Nick Fazekas, Duke Crews, Chris Banchero at Leo Avenido ang mga aasahan uli pero malaking papel din ang gagampanan ng bench sa pangunguna nina Froilan Baguion at JunMar Fajardo na tinulungan ang mga koponan na durugin ang bench ng Warriors sa Game One.
Ang bench support ang isa sa tinuran ni Warriors coach Todd Purves na dapat na maitama bukod pa sa pagganda ng kanilang free throw shooting.
Sampung free throws ang naisablay ng Warriors sa unang tagisan (13 of 23) upang makahulagpos ang panalo sa larong kanilang dinomina hanggang sa huling tatlong minuto ng labanan.
“We’re not going to reinvent things. We want to tighten up the things we do offensively and we want to emphasize transition defense. I want to make sure everybody is on the same page and just keep giving the guys confidence,” wika ni Purves.