MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Joseph Uichico na ang ‘chemistry’ ang magiging isyu sa Philippine team para sa paghahanda sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) championships sa Chiang Maqq i, Thailand sa Hulyo 3-7.
Ang 49-anyos na si Uichico ang tatayong head coach ng national squad matapos igiya ang bansa sa ikaapat na puwesto sa Asian Games sa Busan noong 2002.
Anim na korona ang kanyang naibigay sa San Miguel Beer at dalawa sa Barangay Ginebra sa PBA kaya hindi na bago ang panalo para sa dating La Salle cager, ngayon ay Meralco assistant coach.
Ngunit ang problema niya ay ang pagtatakda ng team practice bago ang kanilang pag-alis sa Hulyo 1.
Nasa US pa si center Marcus Douthit at sa susunod na linggo pa makakabalik sa bansa, habang hindi pa tiyak kung pinal na ang isinumite niyang 24-man lineup sa SEABA.
Sa ilalim ng SEABA rules, ang bawat participating country ay dapat magpasa ng isang 24-man lineup na gagawing 12.
Ang final roster ay kukumpirmahin sa team mana-gers’ meeting sa Hulyo 2.