MANILA, Philippines - Bigo pa rin ang Pilipinas sa hangaring makakita ng kauna-unahang lady pool player na magiging kampeon sa World Women’s 9-Ball Championship.
Sa idinadaos na kompetisyon sa Richgate Shopping Center sa Shenyang, China, tuluyang natapos na ang laban nina Rubilen Amit at Iris Ranola nang parehong natalo sa kanilang mga laro sa pagbubukas ng knockout stage noong Miyerkules.
Hindi nailabas ng multi-gold medalist sa SEA Games na si Amit ang larong nasilayan sa kanya sa Group eliminations na kung saan nanalo siya ng dalawang sunod para agad na umabante mula sa winner’s group, nang lasapin ang 2-9 pagkatalo sa kamay ni Chichiro Kawahara ng Japan.
Sinikap naman ni 26th SEAG 8-ball at 9-ball gold medalist na si Ranola na bigyan ng magandang laban si four-time champion Allison Fisher ng Great Britain pero mas lutang ang karanasan ng katunggali para sa 9-6 panalo.
Alternate break ang format sa knockout stage at sina Kawahara at Fisher ay minalas din na namaalam sa laban nang ang una ay yumukod kay Siming Chen ng China, 0-9, habang talo si Fisher kay Tan Ho Yun ng Chinese Taipei, 8-9.
Ang pinakamagandang laro na nasilayan ng pambato ng bansa sa nasabing kompetisyon na may basbas ng World Pool Association (WPA) ay noong 2007 nang pumangalawa si Amit kay Pan Xiao Ting ng China.