MANILA, Philippines - Malalaman ngayong araw kung makakalaro ba o hindi ang Nigerian 6’8 center na si Ola Adeogun sa San Beda sa gagawing 88th NCAA season.
Si Adeogun ay pinatawan ng isang taong suspension dulot ng kaguluhang nangyari sa pagitan ng San Beda Red Lions at women’s volleyball team ng San Sebastian na naganap sa San Beda Gym noong nakaraang taon.
Si Adeogun ay nagre-residency pa lamang noon kaya’t ang kaparusahan niya ay ibinatay sa kaparusahang ibinibigay sa fan na nasangkot sa gulo.
Magpupulong ngayong umaga ang bagong NCAA Policy board sa pangunguna ni Letran rector Rev. Fr. Tamerlane Lana O.P. upang desisyunan ang bagay na ito at inaasahang maihahayag ang resulta sa gagawing press conference ngayong tanghali.
Inapela na ng San Beda ang kaso ni Adeogun na nakapasa naman sa eligibility screening.
Hangad ng Red Lions na hahawakan ng bagong coach Ronnie Magsanoc, na bawasan ang isang taong suspension tungo sa tatlong playdates suspension para manatiling matibay ang pangarap na ikatlong sunod na kampeonato sa liga.