Amit, Ranola pasok sa Last 32

MANILA, Philippines - Magkaibang ruta man ang dinaanan ay pareho pa ring nalusutan nina Rubilen Amit at Iris Ranola ang group eliminations sa 2012 World Women’s 9-ball Open Champion­ships na natapos kahapon sa Richgate Shopping Center sa Shenyang, China.

Hindi natalo sa winner’s group si Amit sa Group E nang manaig siya kay Junko Tsuchiya ng Japan sa 7-6 iskor para makasama si dating World champion Kelly Fisher na pumasok sa Last 32.

Napahirapan naman ng kaunti ang kasalukuyang 8-ball at 9-ball champion sa SEA Games na si Ranola dahil kinailangan niyang magpakatatag sa loser’s group upang makausad sa knockout stage sa Group C.

Bumagsak si Ranola sa one-loss side nang lasapin ang 1-7 pagkadurog kay Chinese bet Yu Han.

Sa loser’s group ay kinaharap niya si Charlene Chai Zeet Huey ng Singapore at nailusot ng Pinay cue artist ang 7-6 iskor.

Ang draw sa Last 32 ay ginagawa pa at inaasahang palaban pa sina Amit at Ranola para manatiling buhay ang hanap ng Pilipinas na kauna-unahang women’s 9-ball champion.

Ang pinakamataas na pagtatapos na naabot ng Pilipinas sa kompetisyon ay noong 2007 nang pumangalawa si Amit kay Pan Xiaoting ng China na nilaro sa Taoyuan, Taiwan.

Show comments