Diaz umaasang mapapansin na ang weightlifting sa bansa
MANILA, Philippines - Umaasa si Hidilyn Diaz na ang pagkapasok niya sa ikalawang sunod na Olympics ay makakatulong para mapansin na ang nasabing sport sa bansa.
Si Diaz ang ikasiyam na atleta ng Pilipinas na nakapasok na sa London Games at siya ay maglalaro uli sa women’s 58-kilogram division sa weightlifting.
Nakapasok siya sa London matapos makapasa sa individual qualifying nang malagay sa unang sampung puwesto sa buong mundo sa kanyang kategorya. Naunang nagpakita si Diaz sa Beijing Games pero nasama lamang siya bilang isang wild card.
“Dito sa Pilipinas, very low ang weightlifting. Parang wala lang kami,” wika ng 21-anyos na si Diaz na sa kanyang pananaw ay mababago na matapos maisakatuparan ang inasam na makalaro sa Olympics sa ikalawang sunod na taon.
Tumapos lamang si Diaz sa ika-11th puwesto sa 12 naglaban sa Beijing ngunit sa pagkakataong ito, kumbinsido siya na mas maganda ang maipapakita niya kahit hindi pa tiyak kung makakapagsanay siya sa labas ng bansa.
Naunang iminungkahi na si Diaz ay magsanay sa China pero isinantabi na ito dahil babaguhin ng mga Chinese coaches ang kanyang training program na makakasama ito sa kanya lalo pa’t halos isang buwan na lamang at sasambulat na ang London Games.
Tinitingnan pa kung maihahabol si Diaz sa mga atletang magsasanay ng libre sa London pero kung hindi palarin, sa Pilipinas na lamang siya magsasanay.
“May kaba pa rin gaya ng dati pero di tulad sa Beijing, mas buo na ang loob ko dahil alam ko na ang mga makakalaban ko,” pahayag nito.
Puspusan na rin ang pagsasanay na kanyang ginagawa dahil target niya at ng kanyang coach na si Antonio Agustin Jr. ang makapagtala ng buhat na hindi bababa sa 100kg sa snatch, 125kg sa clean and jerk para sa 225 kg total.
- Latest
- Trending