MANILA, Philippines - Kumabig agad ng mga panalo sina Rubilen Amit at Iris Ranola para bigyan ng magandang simula ang kampanya sa 2012 World Women’s 9-Ball Championship na nilalaro sa Richgate Shopping Center sa Shenyang, China.
Ito ang ikaapat na taon na ginawa sa Shenyang ang kompetisyon at hangad ng Pilipinas na mahagip ang kauna-unahang titulo sa women’s 9-ball event.
Si Amit na isang multi-gold medalist ng SEA Games ang siyang may pinakamataas na naabot sa kompetisyong sinimulan noong 1990 nang pumangalawa siya kay Pan Xiaoting ng China noong 2007 sa Taoyuan, Taiwan.
Group stage ang bakbakan na inilagay sa double round elimination at si Amit ay nakalusot kay Wu Zhiting ng China, 7-6, sa tagisan sa Group E.
Sunod na kalaban ni Amit ay si Junko Tsuchiya ng Japan na nanalo kay Nataliya Seroshtan ng Russia, 7-5, at ang mananalo sa second round ay lalapit ng isang hakbang patungo sa Knockout stage.
Si Ranola na nanalo ng dalawang ginto sa SEA Games sa Indonesia, ay nangibabaw kay Nacola Rossouw ng Russia, 7-4, upang ikasa ang pagkikita nila ni Yu Han ng China sa second round sa Group C.
Si Han ay nagdomina kontra kay Keiko Yukawa ng Japan, 7-4.
Ang mga pambato ng host China ang pinapaboran na manalo matapos dominahin nina Liu Shasha, Fu Xiaofang at Bi Zhu Qing ang huling tatlong edisyon ng torneo.