Haiyang, China --Sa ikalawang sunod na araw ay nakuntento sa silver medal ang Philippine dragon boat team laban sa gold medalist na Indonesia sa 200-meter, 10-man crew race sa 3rd Asian Beach Games.
Kagaya ng nangyari sa finals ng 500-meter event, rumatsada rin sa dulo ang Asian Games champions para ilista ang bilis na 43.458 kumpara sa 43.992 ng mga Pinoy at 45.076 ng bronze medalist na China.
Nakipagsabayan ang mga Filipino sa mga Indonesians bago kinapos sa huling 20 metro at nabigong tumbasan ang kanilang qualifying time na 43.183 na sapat na sana para makamit ang gold medal sa nasabing biennial tournament.
“I reiterate my crusade to give our athletes proper nutrition and maintain solid preparations for international competitions such as this. I am very happy that under our watch the athletes-to-medal ratio in international meets have been kept at a very high rate,” sabi ni POC president Jose Cojuangco.
Pinuri rin ni Cojuangco ang nakuhang dalawang silver medal ng national team na binuo ng Philippine Canoe/Kayak Federation.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga national paddlers, sinabi ni coach Len Escollante na nagkaroon ng ilang maling desisyon ang koponan.
“Tingin ko may mga maling decisions kaming nagawa but I am confident that we can still correct them for the 3,000 race,” ani Escollante.
Nabigo naman ang 3-on-3 women’s team sa China, 9-10, sa semifinal round.
Bago ito ay nanalo muna ang mga Filipina sa Southeast Asian Games champion Thailand, 10-9.
Bunga ng kabiguan sa China, makikipaglaban ang mga Pinay sa Mongolia para sa bronze medal.
Sa men at women lead event ng sport climbing, umabante sa semifinals sina Dennis Oliver Diaz, Jason Sauco, Jonathan Feleo at Milky Mae Tejares.