MANILA, Philippines - Nahaharap man sa kakaibang sitwasyon, tiwala ang two-time defending champion Manila Sharks na matibay pa rin ang paghahabol nila para sa kauna-unahang 3-peat sa Baseball Philippines.
Sa Final Four na magsisimula sa darating na Linggo, ang Sharks ay mangangailangan na manalo ng dalawang sunod sa number two seed na Dumaguete Unibikers para manatiling buhay ang paghahabol sa titulo sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc., katuwang ang Gatorade, Harbour Centre, Emperor Light, Clard Development Corp., Philippine Transmarine Corp., Summit Water at Eagle Sky Inc at may basbas ng POC, PSC at PABA.
Tinapos ng Sharks ang triple-round elimination tangan ang 3-2 panalo sa Cebu Dolphins na nilaro kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Si Eric Gesmundo ang siyang nagbigay ng ikatlong run ng Sharks sa top of the seventh inning bago sinandalan ang husay sa pagpukol ni Warren Vispo na nagbigay lamang ng isang run sa Dolphins sa bottom ninth para makuha ang kauna-unahang panalo ng Manila sa Cebu sa series 9.
Inangkin naman ng Taguig Patriots ang ikalimang puwesto sa 6-3 panalo sa Batangas Bulls.
Nanalo naman ang Dumaguete sa Alabang sa iskor na 14-5.