MANILA, Philippines - Simula pa lamang ng pagsikat ng Pilipinas sa larangan ng shooting lalo na sa South East Asia.
Ito ang paniniwala ng bagong kuhang Spanish coach na si Miguel Tajuelo Rodriguez matapos ang produktibong resulta sa kampanya ng Pambansang shooters na lumahok sa South East Asian Shooting Association Championships (SEASA) sa Malaysia kamakailan.
Nanalo ng isang ginto si Eric Ang habang umani pa ang Pilipinas ng dalawang pilak at tatlong bronze medals sa nasabing torneo.
“I have no doubt about the quality of the Philippines shooters. I was surprised with the high quality of their training. Their recent showing was impressive,” wika ni Rodriguez na kinuha ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na pinamumunuan ni Mikee Romero ng Harbour Centre.
Tinuran din ni Rodriguez sina Celdon Arellano, Jason Valdez, Shanin Lyn Gonzales, Ylvana Dy, Joelle Panganiban, Monica Yang, Frances Nicole Medina, Amparo Acuna at Venus Lovelyn Tan na may malaking potensyal na tingalain sa sport na pinili.
Suportado naman ni Romero ang paniniwalang ito ni Rodriguez.
Pagsasamahin ni Rodriguez ang kanyang malawaka na karanasan sa pagtuturo, psychological at mental training para humusay ang mga Pinoy shooters.
Bukod sa pagkuha ng foreign coach, ang PNSA ay nagpaplanong makapagpatayo ng makabagong electronic target range katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC).