^

PSN Palaro

Hiniya ni Cone ang Alaska Milk

FREETHROWS - AC Zaldivar - The Philippine Star

Hindi na nga naglaro sa halos kabuuan ng second half ang import na si Marcus Blakely ay magaan pa ring tinalo ng B-Meg ang Alaska Milk, 77-61 noong Miyerkules.

Kumbaga’y parang ipinamukha ni B-Meg coach Tim Cone sa kanyang dating koponan na kabisado pa rin niya ang Aces at alam niya kung paano sila tatalunin. O puwede ring ipinakita ni Cone na mas malakas ang kanyang kasalukuyang team kaysa sa dati niyang hawak.

 Siyempre, kahit paano’y masaklap para sa bagong head coach ng Alaska Milk na si Luigi Trillo ang nang­yari. At the back of his mind, nais marahil ni Trillo na patunayang kaya niyang pataubin ang dati niyang head coach. Nais niyang ipakita na marami na siyang natutunan sa halos dalawang dekadang pagiging assis­tant ni Cone at kabisado niya ito.

 Kaya lang ay hindi siya nabigyan ng pagkakataon. Kasi nga’y tinambakan ng Llamados ang Aces.

Sa totoo lang, maganda sana ang performance ng Alaska Milk sa first quarter. Oo’t naka-arangkada ang B-Meg at lumamang, 14-7. Pero biglang bumulusok ang Aces at gumawa ng 14-0 atake upang manguna, 21-14.

 Nagtabla ang dalawang koponan, 38-all sa halftime break. Pero hanggang doon na lang ang labang naibigay ng Alaska Milk.

Kasi, pagbukas ng third quarter, iniwan na ng Llama­dos ang Aces.

Iyon ang ikalimang sunod na panalo ng B-Meg sa anim na laro. Sa kabilang dako, ikalimang kabiguan na­man iyon ng Aces sa anim na games. So, nasa magkabilang dulo sila ng standings.

Ang B-Meg ay sigurado nang pasok sa susunod na round samantalang ang Alaska Milk ay nanganganib na ma-eliminate sa ikalawang pagkakataon sa kasalu­kuyang season.

Kung matatalo ang Alaska Milk sa Talk N Text sa out of-town game na nakatakda ngayong gabi sa Min­danao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte, ma­lamang tsu­gi na sila.

 Marahil ay hindi na nami-miss ni Cone ang dati niyang team. Kasi nga’y inilampaso na niya ang Aces. At siguradong tuwang-tuwa siya sa kasalukuyan niyang ballclub na maituturing na pinakamalakas sa sampung teams na kalahok sa Go­vernors Cup.

Kasi nga, wala na nga silang import sa second half ay nagwagi pa sila. At hindi pa rin nakapag­lalaro si Joe Calvin de Vance. Dagdag pa rito ang pangyayaring nalimita ang two-time Most Valua­ble Player na si James Yap sa walong puntos.

Kumbaga’y napaka­raming sandata ni Cone at his disposal ngayon. Walang kahirap-hirap ang pagko-coach para sa kanya.

At ang tingin ng kara­mihang sumusubaybay sa Governors Cup, malamang na magkampeon ang B-Meg.

Parang itinadhana na makakamtan ng Llamados ang kanilang ikalawang sunod na titulo.

Katunayan, kundi lang sila nasilat ng Powerade sa quartefinals ng Philippine Cup, baka nga sila ang na­kaamba para sa Grand Slam.

Pero tapos na ang kabanatang iyon at naka-move on na ang Llamados. Okay na para sa ka­nila marahil ang two-out-of-three.

At kung maihahatid ni Cone sa isa pang titulo ang Llamados sa season na ito, mapapantayan niya ang record ng kanyang idolong si Virgilio “Baby” Dalupan. Kasi, magiging ika-15 kampeonato na iyon sa career ni Cone.

At dahil sa napakala­kas talaga ng B-Meg, ma­lamang na ma-break pa ni Cone ang record sa su­sunod na season!

ALASKA MILK

ANG B-MEG

B-MEG

CIVIC CENTER

CONE

KASI

LLAMADOS

PERO

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with