3-peat sa NLEX

MANILA, Philippines - Hindi na pinakawalan pa ng back to back champion NLEX ang makasaysayang pagtatapos nang durugin uli ang Big Chill, 82-62, tungo sa sweep sa titulo ng PBA D-League Foundation Cup na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Umiskor si Emmanuel Monfort ng 13 puntos mula sa second period na kung saan inilabas ng Road War­riors ang bangis ng pag­lalaro upang pawiin ang medyo mahinang panimula nang maiwanan ng dalawang puntos, 18-20, sa first period ng Super Chargers.

Limang manlalaro ang umiskor ng mahigit na 10 puntos sa NLEX at kasama rito ang mga off-the-bench players na sina Calvin Abueva at Kirk Long na may tig-10 para pag-initin ang 36-8, kalamangan sa bench para sa Road Warriors.

“Karapat-dapat na ma­­ging kampeon ang kopo­nang ito dahil bukod sa ma­gandang suporta ng management, at pagsunod ng mga players sa a­ming plays ay nagsakripis­yo rin ang mga manlalaro sa kanilang iskedul dahil ang karamihan sa kanila ay may commitments sa ka­nilang mga paaralan,” wika ni Boyet Fernandez na naging kauna-unahang coach ng liga na nakatatlong sunod na titulo at naka-13-0 sweep.

Matapos makaiskor ng 20 ay bumaba na ang output ng Super Chargers dala ng matinding depensa ng katunggali.

Sampung puntos na lamang ang naitala ng tropa ni coach Robert Sison sa ikalawang yugto habang ang NLEX ay may 18 puntos at tinapos ang yugto gamit ang 13-3 palitan para ang 23-26 iskor ay naging 36-30 kalamangan.

Si Ian Sangalang ay may 11 puntos, si Garvo Lanete ay may 10 habang ang Best Player ng Confe­rence na si Clifford Hodge ay tumapos taglay ang 8 puntos, 6 rebounds, 2 assists, 1 steal at 3 blocks.

May 19 puntos si Raffy Reyes ngunit pito lamang ang kanyang naibigay sa second half habang si Alex Mallari ay naposasan at nag­karoon lamang ng 6 puntos, malayo sa 28 na ginawa sa Game One na kung saan yumukod din ang Super Chargers, 71-86.

Show comments