Team Celebrities, Public Servants tabla
MANILA, Philippines - Nauwi sa 103-all tabla ang labanan sa pagitan ng Team Celebrities at Team Public Servants na nilaro noong Lunes sa Smart-Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang tagisang ito ay pinangunahan ni Kuya Daniel Razon at kabahagi ng Isang Araw Lang Advocacy na ang layunin ay makalikom ng pondo na gagamitin para sa pagpapaaral ng libre sa mga mag-aaral sa La Verdad Christian College.
Ang mga kasapi ng Team Celebrities ay sina Ervic Vijandre, Zoren Legaspi, Jordan Herrera, Kier Legaspi, Bentot Jr., Brando Legaspi, Rey “PJ” Abellana, Bobby Henzon, Eric Fructuoso, Jeffrey Santos, Dinky Doo Jr. Dave Almarinez, John Hall at Tirso Cruz III na siyang coach.
Si Powerade head coch Bo Perasol ang humawak sa Team Public Servants na binuo nina Congressman Arnel Cerafica, Sigfrido Tinga, Erin Tanada III, Sherwin Tugna, PNP Chief Director Nicanor Bartolome, PNP officials Roque Ramirez, Marlon Tiglao, Joseph Cabanting, Dennis Escalona, Dave Almarinez, Atty. Midas Marquez at Rodel Chua ng Supreme Court.
Hindi nakarating si Razon, ang Chairman at CEO ng Breakthrough and Milestones Productions International dahil sa minor flight problem pero nagpadala siya ng kanyang taped message.
Si Brother Eli Soriano ng Ang Dating Daan ay nakilahok din sa pamamagitan ng live streaming at nagbigay ng kanyang mensahe bilang President Minister ng MCGI.
“Nakikiisa ang PNP sa mga makabuluhang programa tulad ng mga ginagawa ni Kuya Daniel Razon kaya kahit sa idinaos na Unity Run ay nagpakita kami ng suporta,” wika ni PNP Chief Bartolome.
Nagpasaya naman sa mga manonood ang mini-concert na isinagawa nina Gerald Santos, Nina, Nette Gaddi, Jude Matthew Servilla at UNTV’s Kasangbahay news anchors Louella De Cordova at Veronica Alejar.
- Latest
- Trending