Pinoy rowers kumpiyansa sa ABG
MANILA, Philippines - Umalis kahapon ang dragon boat team na lalaro sa 3rd Asian Beach Games na magbubukas sa Sabado sa Haiyang, China.
Ang koponan ay bubuuin ng 16 na rowers na sina Diomedes Manalo, Alex Sumagaysay, Ric Nacional, Ricky Sardena, Alex Generalo, Nelson Cordova, Florence Caro, Raquiel Espinosa, Dativo Romares, Ronniel Rafael, Ambrocio Gontinas Jr., Joseph Magno, Hermie Macaranas, Rolando Isidro, Alberto Hugo at Jameson Bumahit.
Sasali ang mga rowers na nabanggit sa 5-seater men’s crew sa distansyang 200m, 500m at 3000m.
Inagahan ang alis ng delegasyon upang makapagsanay sa lugar na pagdarausan ng kompetisyon na itinakda mula Hunyo 17-19.
Si dating national volleyball player Lenlen Escollante ang aaktong coach habang si Manuel Maya ang kanyang assistant.
Mataas ang pagtingin sa national rowers na makakapagbigay sila ng medalya, kasama ang posibleng kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa ABG, dahil ang mga ito ay beterano ng mga world championships na kung saan ang Pilipinas ay nananalo.
Ang dragon boat ay isa sa apat na events na sasalihan ng bansa at ang ibang atleta ay sasalang sa women’s 3-on-3 basketball, beach handball at sport climbing.
- Latest
- Trending