LOS ANGELES --Tila hindi makatulog si Bob Arum matapos agawin kay Manny Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight crown sa Las Vegas.
Hindi niya ito mapapalagpas kagaya ng gusto ni Pacquiao kaya nagpunta siya sa Nevada Attorney General’s office.
Nagsumite si Arum ng isang formal request para sa isang “full and complete inquiry” hinggil sa ginawang pag-iskor ng mga judges sa laban na nagdeklara kay Timothy Bradley bilang panalo.
Napaulat na sinabi ni Bradley kay Arum sa loob ng boxing ring na ginawa niya ang lahat ngunit hindi niya matalo si Pacquiao.
Kung totoo ito, inamin na ni Bradley na natalo siya sa laban.
Ang dalawang judges ay nagbigay kay Bradley ng magkatuald na 115-113 iskor, habang ang isa naman ay pumabor kay Pacquiao, 115-113.
Sa karamihan, lahat sila ay mali.
“The public has a right to know. The fighters have a right to know,” wika ni Arum sa isang statement na kanyang ipinasa kay press publicity genius Fred Sternburg.
“The only way to restore fans’ confidence in boxing is by letting an independent body investigate every detail of the fight no matter how big or small. Sunshine never hurt anyone,” dagdag ni Arum.
Sinabi ni Duane Ford, isa sa dalawang judges na nagpanalo kay Bradley, na iniskoran niya ang laban base sa kanyang napanood.
“I thought Bradley gave Pacquiao a boxing lesson,” wika ni Ford kay Steve Carp ng Las Vegas Review Journal isang araw matapos ang laban.
“This isn’t American Idol. If I judge for the people, I shouldn’t be a judge. I went in with a clear mind and judged each round,” dagdag pa ng 74-anyos na judge.