LAS VEGAS--Lumabas uli ang kahinaan ni Manny Pacquiao kapag ang katunggali ay marunong umiwas sa mga pinakakawalang suntok.
Ito ang inihayag ni Lito Mondejar, ang dating may-ari ng L&M Gym sa Sampaloc, Manila na kung saan si Pacquiao ay nagsanay noong nagsisimula pa lamang, na kanyang napansin sa huling laban kontra kay Timothy Bradley noong Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Natalo si Pacquiao sa laban sa kontrobersyal na split decision upang maisuko na ang hawak na WBO welterweight title sa walang talong si Bradley.
Naniniwala si Mondejar na dapat ay nanalo si Pacquiao dahil dominado niya ang laban, pero hindi rin niya napigil ang punahin ang mahinang ipinakita ng Pambansang kamao lalo na sa puntong nakapag-adjust at nakakaiwas na si Bradley sa mga malalakas na bigwas nito.
“Hirap si Manny sa mga kalaban na marunong lumubog. Lumubog na nang lumubog si Bradley at hindi na tumama si Manny,” wika ng 74-anyos na si Mondejar.
Ito umano ang dahilan kung bakit hirap din siya kay Mexican boxer Juan Manuel Marquez na tinalo ni Pacquiao noong nakaraang Nobyembre sa pamamagitan din ng isang kontrobersyal na majority decision.
Idinagdag pa nito na mas kumportable si Pacquiao kapag ang kalaban ay handang makipagsabayan tulad nina Erik Morales, Oscar dela Hoya, Ricky Hatton at Miguel Cotto na hindi nagawang tapusin ang laban.
“Kapag tumayo ka sa harap ni Manny, patay ka,” paliwanag ni Mondejar.
Isang rematch ang balak gawin sa Nobyembre at inaasahang makagagawa na ng mas magandang plano ang kampo ni Pacquiao upang kontrahin ang palubug-lubog na istilo ni Bradley.