LPGMA-American Vinyl maagang paghahandaan ang 2013 Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines - Naglatag na ang LPGMA-American Vinyl ng kanilang programa upang mas mapaghandaan ang gaganaping ikatlong edisyon ng Ronda Pilipinas pitong buwan mula ngayon.
Ang maagang preparasyon ay kinakailangan matapos mabigo ang koponang pag-aari nina LPGMA partylist representative Arnel Ty sa pagdepensa sa team title matapos maungusan ng dalawang minuto at 37 segundo ng nagkampeong V-Mobile.
Pinuri pa rin ni Ty ang labang ipinakita ng kanyang koponan na binubuo ng mga siklistang sina team captain Irish Valenzuela, Cris Joven, Ronnel Hualda, Rudy Roque, Rustom Lim at Edmondo Nicolas habang si Renato Dolosa ang coach.
Si Valenzuela na isinubi uli ang King of the Mountain title, ay tumapos sa ikalawang puwesto sa individual overall title na kinuha ni Mark Galedo habang si Joven ang hinirang bilang Sprint King.
“Sometimes, things don’t go your way. But our riders, as well as the coaching staff, did their best and we’re proud of them,” wika ni Ty na katuwang si Eric Sy ang may-ari ng koponan,
Unang torneo na kanilang sasalihan bilang bahagi ng kanilang preparasyon ay ang tatlong araw na karera sa Indonesia sa susunod na linggo.
Balak ding ilaban ang koponan sa mga local races at hahanap pa ng puwedeng salihan sa labas ng bansa para matiyak na kondisyon na kondisyon ang mga siklista sa paglarga ng ikatlong Ronda sa Enero sa susunod na taon.
- Latest
- Trending