Lady Eagles Kampeon
MANILA, Philippines - Napanalunan ng Ateneo ang huling dalawang puntos sa deciding fifth set upang mapagtagumpayan ang pagdepensa sa hawak na titulo sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart sa pamamagitan ng 25-19, 25-14, 17-25, 20-25, 15-13 panalo sa University of Santo Tomas kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Inabot ang tagisan ng isang oras at 58 minuto at pinalad ang Lady Eagles na mapanumbalik ang katatagan matapos makawala ang 2-0 kalamangan sa best of five tungo sa back-to-back titles sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Ang spiking error ni Judy Caballejo ang bumasag sa 13-all iskor bago nasipat ni Dzi Gervacio ang butas sa depensa ng Lady Tigresses upang umalingawngaw ang malakas na hiyawan mula sa mga panatiko ng Ateneo bilang hudyat ng panalo.
Si Alyssa Valdez ang nanguna sa tropa ni coach Roger Gorayeb sa kanyang 22 puntos kasama ang 19 kills habang si Gervacio ay may 11 spikes tungo sa 12 puntos.
May 2 pang service aces, si Valdez ang siyang hinirang bilang Most Valuable Player ng ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Si Maika Ortiz ay gumawa ng 18 puntos na kinatampukan ng 3 blocks at 4 service aces.
Pero ang isa sa inaasahang manlalaro ng Lady Tigresses ay gumawa ng dalawang spiking error at serving error para tulungan ang Ateneo na lumayo sa 12-8 kalamangan.
Nakabawi man at naitabla ang laro sa 13-all sa service ace ni Kaensing Utaiwan, nanggigil naman si Caballejo para maisauli sa Ateneo ang momentum tungo sa panalo at wakasan ang best of three series sa 2-1 iskor.
- Latest
- Trending