TARLAC CITY, Philippines --Bigo man na mapanatili ang team title sa idinadaos na Ronda Pilipinas ay kontento naman si LPGMA-American Vinyl coach Renato Dolosa sa ipinakita ng kanyang mga siklista.
“Bukod sa skills, strategy at team work, andoon din ang determinasyon na lumaban,” wika ni Dolosa sa mga siklistang nagtulung-tulong para ibangon ang napatalsik na kampeon mula sa ika-12 puwesto matapos ang unang araw ng karera tungo sa ikalawang puwesto sa pangkalahatan.
Ang V-Mobile ang siyang hinirang na kampeon nang magtala sila ng dalawang minuto at 41 segundong kalamangan sa koponang pag-aari nina Eric Sy at LPGMA partylist representative Arnel Ty papasok sa huling araw ng 15-stage bikathon ngayon, na isang 90-kilometer criterium race sa Roxas Boulevard.
Hindi inaasahan na makakahabol pa ang koponan na naiwanan ng 18 minuto sa kaagahan ng labanan pero lumabas ang puso at determinasyon ng mga siklistang tulad nina Ronda King of the Mountain Irish Valenzuela, Sprint King Cris Joven, Rustom Lim at Rudy Roque tungo sa respetadong pagtatapos.
Dinahan-dahan ng koponan ang pagbangon pero sa Baguio race tuluyang kumain sila ng oras matapos ang pangunguna ni Valenzuela at top ten na pagtatapos nina Joven at Lim upang malagay na sa ikalawang puwesto at kapos lamang ng 5:05 sa liderato.
Humataw pa ang mga siklista sa Stage 13 na Tuba-Benguet hanggang Burnham Park at natapyasan pa ito sa 2:52 ngunit sa karera kahapon na nagsimula sa San Fernando, La Union hanggang Tarlac City ay hindi na nakaatake pa ang LPGMA-American Vinyl dahil halos patag na ang dinaanan.