Delegasyon sa ABG walang magiging problema sa pagkain
Manila, Philippines - Walang magiging problema sa pagkain ang pambansang atleta na maglalaro sa 3rd Asian Beach Games sa Haiyang, China.
Sa send-off party kahapon sa PSC Audio Visual room sa Philsports sa Pasig City, sinabi ni Deputy Chef of Mission na kinuha ng organizers ang caterer na namahala sa pagkain sa 2010 Guangzhou Asian Games para siyang mamahala sa pagpapakain sa inaasahang 3,000 athletes na maglalaro sa kompetisyong mula Hunyo 16 hanggang 22.
“International food ang ihahanda na pagkain dahil ang mamamahala ay ang caterer ng Asian Games.Kaya ang problema sa pagkain ay hindi magkakaproblema tulad ng nangyari sa Bali na maaanghang ang pagkain,”wika ni Martelino.
Sina POC president Jose Cojuangco Jr. at PSC chairman Ricardo Garcia ay dumalo rin sa pagtitipon kasama si Chef of Mission Chippy Espiritu at kanilang hinimok ang pambansang atleta na pilit na bigyan ng karangalan ang Pilipinas di sa pag-ani ng medalya kundi ang pag-ani ng respeto sa mga makakatunggali.
Ang Pilipinas ay sasali sa apat na sports discipline na dahil humabol ang sport climbing upang idagdag sa nauna ng nagkumpirmang handball, women’s 3 on 3 basketball at dragon boat.
Naniniwala si Garcia na lahat ng ipanlalaban ay may kakayahang manalo pero itinuro ang dragon boat na siyang may pinakamagandang tsansa dahil makailang-ulit na silang nanalo sa mga world competitions.
Ang PSC ay naglaan ng halos P1.4 milyon bilang panggastos ng apat na NSAs na ibabawas sa kanilang international exposures.
“We will be up against then best in Asia but we will give our spirit and whatever we luck, we will ask it from God and that will give us the victory,” wika naman ni Espiritu.
Nasa pagtitipon din si POC spokesman at NOC attaché Jose Romasanta, POC treasurer Julian Camacho at media officer Clarito Samson.
Ang mga opisyales ay tutulak na patungong China sa Linggo habang ang mga atleta ay lilipad sa Hunyo 14 at 15.
- Latest
- Trending