Manila, Philippines - Pilit na pangangatawanan ng San Miguel Beermen ang pagiging number one team sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa muling pakikipagtuos sa Westport Malaysia Dragons sa Game 3 ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang laro ay itinakda ganap na alas-4 ng hapon at kailangang manalo ng Beermen upang manatiling buhay ang paghahabol ng Pilipinas na mabalik ang titulo ng regional basketball league sa bansa.
Nasa balikat na lamang ng expansion team ng bansa ang karangalan na makalaro sa championship round matapos ang ‘di inaasahang 0-2 pagkatalo ng inaugural champion AirAsia Philippine Patriots sa kamay ng Indonesia Warriors.
Hindi naman ganoon magiging kadali ang adhikaing ito dahil mataas din ang morale ng Dragons matapos angkinin ang 100-77 tagumpay sa Game Two na ginawa sa MABA Gym sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang Sabado.
“We are carrying the whole country’s hopes in this fight for the finals berth so I ask all Filipino basketball fans to go out and cheer for the team in this all-important game,” wika ni Beermen coach Bobby Parks Sr.
Nananalig siya na makakabangon mula sa masamang laro ang kanyang mga high profile imports na sina Nick Fazekas at Duke Crews na nagtala lamang ng 12 at 15 puntos sa huling laban.
Kailangang manumbalik ang inspiradong laro nina 6’11” Fazekas at 6’8 Crews dahil ang mga makakatapat na sina Tiras Wade at Brian Williams ay tiyak na hahataw para makumpleto ang pagbangon ng fourth seed team mula sa 0-1 iskor sa best of three series.
Ganito man ang sitwasyon, mapapadali ang hangarin ng Beermen na makaabante sa finals kung kikinang sina Chris Banchero, Leo Avenido at Junmar Fajardo na napatahimik sa Game Two.
Panapat naman ng Dragons na hawak ni Filipino coach Ariel Vanguardia ay sina Filipino imports Patrick Cabahug, Nic Belasco at Chris Pacana.