LAS VEGAS (Via PCSO)--Kapwa mabilis at malakas sina World Boxing Organization welterweight champion Manny Pacquiao at American challenger Timothy Bradley.
Sa kanilang laban sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas ay malalaman kung sino sa kanila ang mas mabilis at mas malakas.
Subalit ngayon pa lang ay pumapabor na sa Filipino boxing superstar ang mga prediksyon dahil siya raw ay nasa pinakamabuting kondisyon at napakasigasig manalo.
Nangako din siyang bibigyan ang mga tagahanga ng magandang laban at kapani-paniwalang panalo kumpara kanyang huling laban kay Juan Manuel Marquez kung saan nanalo siya sa pamamagitan ng kontrobersiyal na desisyon.
Suportado si Manny ng kanyang mga kababayang boksingero at inanalisa ang kanyang lamang sa kalaban.
“Pareho silang mabilis at malakas, pero mas mahusay si Manny sa mga kategoryang iyon. Grabe ang bilis ni Manny, hindi ko alam kung paanong makakasabay si Bradley,” opinyon ni WBO flyweight champion Brian Viloria nang dumalaw sa pagsasanay ni Pacquiao.