Prize money sa WPA pinalaki pa
MANILA, Philippines - Mas magiging mainit ang magaganap na tagisan sa WPA World 9-ball Championship na gagawin sa Al Saad Sports Roundabout sa Doha, Qatar mula Hunyo 22 hanggang Hunyo 29.
Ito ang mangyayari matapos i-anunsyo ng host na Qatar Billiards and Snooker Federation ang pagpapataas pa sa premyong paglalabanan sa isang linggong torneo.
Ikatlong sunod na taon na sa Qatar gagawin ang prestihiyosong torneo sa 9-ball at para mas maging espesyal ay itinaas ng host ang naunang inanunsyo na $250,000 kabuuang premyo tungo sa $300,000.
Wala pang breakdown sa pamamahagi ng premyo pero inaasahang tataas ang champion’s purse na naunang inilagay sa $36,000 (halos P1.5 milyon).
Ang mga pinagpipitaganang pool players sa buong mundo ang magsisisali at mangunguna naman sa Pilipinas ang mga subok ng world champions na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.
Sa edad na 57 anyos, si Reyes na dinomina ang torneo noong 1999, ang lalabas na isa sa mga beteranong manlalaro pero makailang-ulit na rin niyang naipakita na hindi sagabal ang kanyang edad para manalo sa malalaking torneo.
Si Bustamante, edad 48, ay magbabakasakaling masungkit uli ang titulong pinagwagian noong 2010 sa nasabing lugar at ang kanyang tinalo si Kuo Po-cheng ng Chinese-Taipei.
- Latest
- Trending