MANILA, Philippines - Sinandalan ng Big Chill ang husay nina Alex Mallari at Jessie Collado sa huling yugto tungo sa pagsungkit ng 83-80 panalo laban sa Cebuana Lhuillier sa deciding Game Three sa PBA D-League Foundation Cup semifinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang panalo ay nagbigay sa Big Chill ng karapatang labanan ang naghihintay nang NLEX Road Warriors sa best of three finals na sisimulan sa Lunes.
May nangungunang 20 puntos si Mallari at walong puntos rito ay ginawa sa huling yugto na kung saan kinailangan ng Super Chargers na bumangon mula sa siyam na puntos, 60-69.
Dalawang tres at isang free throw ang ibinigay ni Mallari sa kanyang koponan para magkatabla ang Super Chargers at Gems sa 78-all.
Sablay ang Gems sa kanilang atake bago ang pagpapakawala ni Collado ng go-ahead triple, 81-78, may 1:43.
Ibinaba ni Kevin Alas sa, 81-80 ang lamang ng kalaban nang pumukol ng dalawa sa kanyang tatlong attempts sa free throw line nang na-foul ni Collado habang pumupukol ng tres pero hindi na nakadikit pa ang Gems dahil sa masamang pagbuslo.
“Proud ako sa ipinakita ng mga players ko dahil hindi sila bumigay sa endgame. Dapat ding purihin ang inilaro ng Gems dahil talagang lumaban sila,” wika ni Big Chill coach Robert Sison.
May 15 puntos si Jam Cortes, si Raffy Reyes ay may 13 at sina Keith Jensen at Jewel Ponferrada ay naghatid ng 11 at 10 puntos para sa Super Chargers na muling nakitaan ng pagpuntos ng mga manlalarong ginamit ni Sison.
May 17 puntos si Vic Manuel para sa Gems na kinailangang bumangon mula 15 puntos pagkakalubog, 33-48, pero minalas na kinapos din sa huli.
Ibinuhos ni Marvin Ha-yes ang lahat ng kanyang 10 puntos sa ikatlong yugto para tulungan ang Gems sa 28-12 palitan, upang angkinin ang kalamangan sa pagtatapos ng yugto, 61-58.
Isang 8-2 palitan sa pagbubukas ng huling yugto ang nagbigay sa Gems ng siyam na puntos na kalamangan ngunit naglaho itong parang bula sa malakas na kamada ng Super Chargers.