Ateneo, Diliman wagi sa LB football

MANILA, Philippines - Nanalo ang Atletico Diliman Football Club sa mga kategoryang 8-under at 6-under sa LBFS 7-Aside Summer Football Festival 2012 sa UPLB Football grounds sa Los Baños, Laguna kamakailan.

Ang grupo ng 10-under at 14-under ng weekend football club ang siyang first at third runner-up sa torneong pinangunahan ng Los Baños Football School sa pakikipagtulungan ng Laguna Football Association at FIFA.

Walong koponan na may tig-12 manla­laro ang sumali sa bawat kategorya.

Itinatag ang Atletico Diliman Football Club (ADFC) noong 2009 na may layu­ning pagmulan ng mga atletang mataas ang kalidad.

“Sa ADFC, kumpleto at malalim ang edukasyon upang mapahusay ang intelektuwal, emosyonal, at pisikal na pag-debelop ng bawat bata. Sinusuportahan namin ang mga bata upang magkaroon ng tiwala sa sarili at kamulatan sa kapaligiran,” anang pangulo ng ADFC Parent Association na si Rynel Bercades.

Ang nais ng mga coach ay paghusayin ang mga bata upang makasali sa mga varsity teams ng mga kilalang hayskul at kolehiyo.

Tuwing Sabado at Linggo ng umaga ang training ng ADFC sa UP Diliman Sun­ken Garden at gaganapin ang kauna-unahang ADFC Tournament sa Hun­yo 10 sa UP Oval.  

Show comments