Pipitasin na ng Lady Tigresses
MANILA, Philippines - Magkakaroon ngayon ng pagkakataon ang UST na makatikim uli ng kampeonato sa Shakey’s V-League na handog ng Smart sa pamamagitan ng paggupo uli sa nagdedepensang Ateneo sa Game Two ng Finals sa The Arena sa San Juan.
Ang tagisan sa hanay ng mga koponang nanguna mula pa sa elimination round ay itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon at kailangan na lamang ng Lady Tigresses na talunin uli ang Lady Eagles upang masungkit ang ikapitong titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Huling titulo na napanalunan ng UST ay nangyari noong 1st conference ng 2010 season.
Matapos ito ay nagpahinga sila dahil sa graduation ng kanilang pambatong manlalaro.
Mataas ang kumpiyansa ng Lady Tigresses na haharap sa larong ito dahil inangkin nila ang mahigpitang 16-25, 25-20, 25-22, 25-23 panalo sa unang tagisan noong Linggo.
Mahalaga ito bago nagsimula ang best of three finals series, mas pinapaboran ang nagdedepensang kampeon dahil hindi pa sila natatalo matapos ang 10 sunod na panalo.
“Championship game ito kaya naging tight sila. Pero lumabas ang laro sa mga sumunod na sets,” ani UST coach Odjie Mamon.
Bago ang larong ito ay magpapang-abot muna ang San Sebastian at Perpetual Help sa ganap na alas-2 ng hapon para sa battle for third place.
Bitbit ng Lady Stags ang 25-14, 25-13, 16-25, 32-34, 15-9 panalo sa Lady Altas sa unang tagisan kaya’t inaasahang hahataw uli ang mga kamador sa pangunguna ni Thai import Jeng Bualee para angkinin ang ikatlong puwesto.
Ang naipamalas na ba-lanseng pag-atake ang aasahan uli sa Lady Tigres-ses na naghahanda sa malakas na pagbangon ng Lady Eagles sa larong may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
Si Judy Caballejo ay mayroong 15 hits, tampok ang 11 kills, habang sina Maruja Banaticla, Maika Ortiz at Mary Jean Balse ay naghatid ng 14, 13 at 11 hits.
Si Banaticla ang siyang naghatid ng krusyal na spike na lumusot sa depensa ni Lithawat Kesinee para manalo ang Ateneo sa fourth set.
Nagkaroon naman ng 11 blocks ang Lady Eagles ngunit bumigay ang kanilang depensa sa mahalagang tagpo ng labanan upang mangailangan na maipanalo ang labanang ito para makahirit ng do-or-die game sa Huwebes.
- Latest
- Trending