DUMAGUETE CITY, Philippines --Nagsilbing ensayo nina Olympians Marestella Torres at Jessie King Lacuna ang katatapos na 2012 POC-PSC National Games dito.
Bagamat hindi nabura ng 31-anyos na si Torres ang sarili 6.71-meter national mark, sapat na ang kanyang nilundag na 6.58m para kunin ang gintong medalya sa women’s long jump event.
Tinalo ni Torres, sumabak sa 2008 Olympics sa Beijing, China, ang 21-anyos na si Katherine Santos, kumuha ng ginto sa triple jump at 100m dash, na tumalon ng 6.19m.
Limang gintong medalya naman ang sinikwat ni Lacuna sa swimming competition. Dinomina ng 18-anyos na national tanker ang labanan sa men’s 100-meter freestyle, 400m freestyle, 1,500m freestyle, 100m butterfly at 200m Individual Medley.
Anim na gold medal sana ang nakamit ni Lacuna, sasabak sa 2012 Olympic Games sa London sa Hulyo kagaya ni Torres, kundi lamang siya na-disqualified sa 400m IM dahil wala sa breaststroke position ang kanyang katawan matapos ang 50m.
Sa kabila ng hindi pa siya opisyal na nabibigyan ng wildcard entry para sa 2012 London Olympics, tatlong national marks ang sinira ni lady weightlifter Hidilyn Diaz.
Bumuhat ang 21-anyos na si Diaz ng 96kg sa snatch at 123kg sa clean and jerk para sa kabuuang 219kg na bumura sa luma niyang 95kg sa snatch, 122kg sa clean and jerk at 217kg total.
Bukod kina Torres at Lacuna, ang iba pang lalahok sa 2012 Olympic Games ay sina steeple chaser Rene Herrera, boxer Mark Anthony Barriga, swimmer Jasmine Alkhaldi, skeet shooter Brian Rosario, judoka Tomohiko Hoshina at BMX rider Daniel Caluag.