MANILA, Philippines - Sisipat uli ang nagdedepensang NLEX at Cebuana Lhuillier ng panalo upang itakda ang kanilang pagkikita sa finals sa pagbabalik-aksyon ng PBA D-League Foundation Cup semifinals ngayon sa San Juan gym.
Nakauna ang Road Warriors at Gems sa mga katunggali na Blackwater Sports at Big Chill nang manalo sa Game One sa best of three series noong Huwebes.
Unang sasalang ang Gems at Super Chargers sa alas-2 ng hapon at balak ulitin ng Cebuana ang larong nagbigay ng 79-66 panalo sa huling bakbakan.
“I told them that we are the underdog and we have to show our intensity. I know that they will try to bounce back but we will be ready,” pahayag ni Gems mentor Beaujing Acot.
Si Vic Manuel ang lider ng team pero dapat na humugot ang koponan ng mas solidong numero kina Kevin Alas at Lester Alvares na nagsanib lang sa 13 puntos.
Ang Super Chargers na naunang hiniya ang Gems, 68-52, sa eliminasyon, ay kailangang magpakita na mas gutom sila para di masayang ang pagiging number two seed nila sa semis.
Ang back to back titlist na Road Warriors ay puntirya rin ang ika-11 sunod na panalo sakaling walisin nila ang Elite.
“Hindi madaling kalaban ang Blackwater kaya dapat na makapag-execute kami ng maayos sa depensa at opensa,” wika ni coach Boyet Fernandez.