LOS ANGELES--Halos isang linggo na lamang ang nalalabi para sa kanilang nalalapit na laban ni Timothy Bradley, hind nabantayan ni Manny Pacquiao ang kanyang timbang.
“Hindi ko na na-check,” wika ng Pambansang kamao noong Linggo sa loob ng kanyang La Palazzo apartment.
Si Pacquiao ay nakaupo sa sofa at napapaligiran ng kanyang mga anak na sina--Jimuel at Michael habang naglalaro sa kani-kanilang IPADS at si Princess ay nalilibang naman sa kanyang Hello Kitty stuff at natutulog ang bunsong si Queenie.
“Wala namang problema. Kain lang ng kain,” wika pa ng reigning WBO welterweight champion.
May paraan si Pacquiao para masuri ang kanyang timbang sa paghawak lamang nito sa kanyang pulso.
“Mga 150 pa ako ngayon,” anya sa mga manunulat.
Nauna rito, mainit na sinalubong ni Pacquiao ang kanyang daan-daang panauhin, kabilang ang mga miyembro ng PNP choir para sa isang bible study session na tumagal ng halos isang oras.
Kinaumagahan dumalo si Pacquiao sa isang misa na idinaos sa Christ the King church sa Hollywood.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang 147 lbs title laban kay Bradley sa darating na Sabado (Hunyo 9 US time) sa Vegas, at doon ay madali na niyang mapababa ang kanyang timbang.
At huling pagkakataon na nakipag-sparr si Pacquiao nitong Lunes ng umaga at kinahapunan ay lilipad na siya patungong Vegas kasama ang buong Team Pacquiao, pamilya at at ilang kaibigan sakay ng isang bus.
Tatapusin naman ni Bradley ang kanyang training sa Indo, California at inasahang darating din sa Vegas sa Lunes.
Nakatakda naman ang official weigh-in sa Biyernes.