MANILA, Philippines - Sa ikapitong sunod na pagkakataon ay nanaig uli si Donnie Nietes laban sa isang Mexican boxer nang kunin ang unanimous decision laban kay Felipe Salguero upang mapanatiling suot ang WBO light-flyweight title na pinaglabanan noong Sabado ng gabi sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Hotel sa Pasay City.
Agad na nagtrabaho si Nietes sa mga naunang rounds upang makapagdomina at isantabi ang tangkang pagbangon ng Mexican challenger sa huling rounds tungo sa paglista ng ika-30 panalo sa 34 laban ng Filipino champion.
Naputukan pa si Salguero sa kaliwang kilay mula sa matinding suntok ni Nietes sa ikawalong rounds pero hindi nasiraan ng loob ang challenger at patuloy na hinabol ang nagdedepensang kampeon.
Pero tulad ng inihayag bago ang laban na handa siya kahit pa umabot sa 12 rounds ang bakbakang tinaguriang Pinoy Pride XIV na handog ng ALA Promotions katuwang ang ABS-CBN Sports, sapat pa ang ipinakitang counter punching para makuha ang pagsang-ayon ng tatlong hurado na sina Muhammad Rois, Sawaeng Taweekon at Salven Lagumbay na naggawad ng 116-112, 116-112 at 115-113 panalo para kay Nietes.
Ito ang unang pagkakataon na idinepensa ni Nietes ang titulong inagaw kay Ramon Garcia Hirales noong Oktubre 8, 2011 at ang walong buwang pamamahinga ay nakaapekto rin sa ipinakitang laban ng nagdedepensang kampeon dahilan upang hindi niya napatulog si Salguero na ilang beses na na-groggy matapos masapul ng mga kombinasyon.
Bumagsak si Salguero sa ikatlong kabiguan matapos ang 20 laban.
Nagdiwang ang mga nagsipanood sa laban dahil nagsipanalo rin sina Milan Melindo at Genesis Servania laban sa mga dayuhang katunggali.
Ipinatikim ni Melindo ang bangis ng kanyang kamao kay Colombian fighter Jesus Gelez nang tatlong beses itong humalik sa lona na nangyari lamang sa unang round.
Sa ikatlong pagbagsak ni Gelez ay pumasok na si referee Danrex Tapdasan para itigil na ang laban sa 2:21 ng round.
Ika-27 sunod na panalo, bukod sa pang-11th KO, ito ng 24-anyos na si Melindo para ibulsa rin ang pinaglabanang bakanteng WBO international flyweight title habang ikatlong pagkatalo sa 17 laban ang tinamo ng 24-anyos na si Gelez.
Bago si Melindo ay nagpasikat muna si Servania nang hiritan ang beteranon si Genaro Garcia ng 12th round knockout na panalo at bitbitin din ang pinaglabanang WBC international silver super bantamweight title.