DUMAGUETE CITY, Philippines - Habang dinomina ng Baguio City ang wrestling competition, kumamada naman ang National Capital Region sa futsal event sa pagsasara ng 2012 POC-PSC National Games dito kahapon.
Kinopo ng NCR ang mga titulo sa men’s at women’s division ng futsal nang talunin ang Foundation University, 15-2, at University of San Carlos-Cebu, 6-2, ayon sa pagkakasunod.
Humataw si Hamed Hajimahdi ng limang goals sa 10th, 18th, 19th, 26th at 39th minutes para banderahan ang NCR laban sa maluwag na depensa ng Foundation University.
Sumipa rin ng goal si Celestino Ravelo sa 7th, 32nd at 39th minutes.
Sa women’s action, nagtala ng goal si Marigen Ariel sa 33rd at 34th minute at nakapagsalpak naman si Karla Pacificador sa 6th at 15th para pangunahan ang mga NCR lady booters kontra sa USC.
Sa men’s football event sa Perdices Sports Complex, pinayukod ng Philippine Navy ang Negros Oriental, 5-4, para sa gold medal na tinampukan ng winning goal ni Marlon Pinero.
Kabuuang 5 gold, 10 silver at 9 bronze medals naman ang inangkin ng Baguio City sa wrestling event para sikwatin ang overall crown.
Kumuha ang mga Baguio City wrestlers ng 4 gold, 7 silver at 3 bronze medals sa freestyle event matapos pumitas ng 1-3-6 medals sa greco-roman.
Ang mga nagbulsa ng gintong medalya sa freestyle event ay sina Ismael Bandiwan (men’s 50kg class), Elvis Julius (men’s 74kg), Myler Empil (men’s 62kg) at Minalyn Foy-os (women’s 48kg).