Iba pang national athletes na 'di produktibo sa PN games isusunod; Men's beach volley team sasampolan ni Garcia
DUMAGUETE CITY, Philippines --Tiyak na may ilang national athletes na maaaring matanggal sa national pool.
Ito ang babala ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia matapos matalo ang ilang miyembro ng national team sa kani-kanilang events dito sa 2012 POC-PSC National Games.
Bago pa man simulan ang National Games ay sinabi na ni Garcia na ang mga atletang matatalo ng mga non-national athletes ay maaaring masibak sa national team.
Isa sa mga tinukoy ni Garcia na maaaring mawalan ng suporta ay ang mga miyembro ng national teams na hindi nakapasok sa final ng men’s beach volleyball.
Yumukod sina national players Parley Tupaz at Arvin Avila ng UST Team 3 at sina Jason Ramos at Henry Pecana ng UST 2 at maging sina Arnel Amadeo at Buesuceso Sayson.
Si Tupaz ang tumatayong national coach, habang tumapos naman bilang third placer sina Amadeo at Sayson.
Samantala, sinikwat ng Philippine Navy ang gold medal sa men’s football, samantalang ang Cebu City ang naghari sa softball at ang RP Team ang nagkampeon sa baseball.
Sa wushu, nagbulsa ng ginto sa kani-kanilang mga events sina Faith Liana Andaya (women’s short weapon-taolu), Solomon Cardenas (men’s short weapon), Kariza Kris Chan (women’s freestyle-taiji quan), Jomille Labini (women’s freestyle chang quan), Tate Matthew Chuang (men’s short weapon), Jasmin Chan (women’s taiji jian), Nehemiah John Rivera (men’s taiji jian), Alexcis Gomenz (women’s nandao), Dave Degala (men’s short weapon) at Norlence Catolico (men’s freestyle long weapon).
Pormal na magsasara ang National Games ngayong araw tampok ang mga championship matches sa futsal at football at ang freestyle event sa wrestling.
- Latest
- Trending