Diaz kailangang manalangin para makasama sa London Games

MANILA, Philippines - Kailangan ni Hidilyn Diaz na manalangin na hindi siya mapatalsik sa kasalukuyang pang-siyam na puwesto sa world rankings sa women’s 58 kilogram division para makalaro sa London Olympics.

Naunang lumabas ang balitang hindi na makaka­sa­ma ang 21-anyos na tu­bong Zamboanga City lifter sa London dahil hindi nakapagpadala ng team ang Pilipinas sa idinaos na World Championships sa Paris at Asian Championships sa Korea.

Si Diaz ay nakasama ni Nestor Colonia na sumali sa dalawang torneo at ang lady lifter na naglaro sa Beijing Olympics bilang wild card entry ay tumapos sa pang-pito at pang-apat na puwesto.

“Umapela ako sa International Weightlifting Fede­ration (IWF) at last week ay nasa Budapest, Hungary ako at nakausap ko ang IWF president Tamas Ajan at tournament committee director Aniko Nemeth-Mora at kanilang ipinaliwanag na makakasama rin sa Olympics ang top ten lifters sa bawat weight classes. Kaya kailangang manalangin si Hidilyn na hindi siya mawala sa top 10 matapos ang Oceania qualifying,” wika ni Philippine Weightlifting Association president Monico Puentevella.

Ang Oceania qualifying ay gagawin sa kalagitnaan ng buwang ito at ito na ang huling Olympic qualifying event sa weightlifting para mabuo ang 226 kabuuang lifters na maglalaro sa London.

Idinagdag pa ni Puente­vella na naniniwala ang mga IWF officials na hindi mapapatalsik sa kanyang kinalulugarang rankings si Diaz dahil walang gaanong malalakas na lady lifters sa nasabing timbang mula Oceania.

“Pero kung mawawala siya sa kanyang ranking, malaki rin ang posibilidad na makasama siya sa bibigyan ng wild card. But I want Hidilyn to qualify in London base on performance and I believe we really have a very, very good chance,” dagdag ni Puentevella.

Si Diaz ay naglaro sa 2nd POC-PSC Philippine National Games at binura ang tatlong sariling records sa timbang sa ginawang 96kg sa snatch, 123kg sa clean and jerk at 219kg total lift.

Ang dating marka niya ay 95-122-217 na nairehistro sa Korea noon lamang Abril 28.

Show comments