MANILA, Philippines - Laro ng isang dating six-time champion ang inilabas ng UST tungo sa madaling 25-12, 25-13, 25-23 panalo sa San Sebastian sa knockout semifinals game kahapon sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart sa The Arena sa San Juan City.
Mas nakitaan ng init ng paglalaro ang Lady Tigresses nang agad na dominahin ang unang dalawang sets at kahit napahirapan sa ikatlong set ay naitakas pa rin ang panalo tungo sa di inaasahang 3-0 sweep sa tagisang nagdetermina kung sino sa dalawang koponang ang aabante sa finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ng Shakey’s Pizza.
Si Thai reinforcement Utaiwan Kaensing at Judy Caballejo ang siyang nanguna sa pag-atake sa nagbabalik na UST nang magsanib sa 27 kills upang katampukan ang 17 at 14 hits na ginawa sa labanan.
Nagbalik din si Mary Jean Balse at binigyan-kinang ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan kahapon sa ginawang dalawang blocks bukod pa sa dalawang service aces habang si Maika Ortiz ay kumulekta ng 9 puntos para sa magandang suporta.
Matapos magpasabog ng pinakamataas na iskor na 40 points, kasama ang 38 kills, ang resident Thai import na si Jeng Bualee ay nalimitahan lamang sa 18 puntos.
May 17 kills si Bualee pero ang masama ay wala siyang nakuhang suporta sa ibang kakampi na tila isinuko na agad ang laban matapos ang first set.
Dahil sa panalo, ang UST ang siyang makakalaban ng nagdedepensa at wala pang talong Ateneo sa best of three finals series sa ligang may suporta rin ng Accel at Mikasa.
Ang Game 1 ay itinakda sa Linggo sa nasabing venue at inaasahang mainitan ang bakbakan dahil tagisan ito ng dalawang koponan na dinodomina ang liga mula sa eliminasyon.