MANILA, Philippines - Matapos matalo sa kanilang unang laro, target naman ng Llamados at Aces ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Haharapin ng B-Meg ang Barako Bull ngayong alas-7:30 ng gabi, samantalang lalabanan naman ng Alaska ang Powerade sa alas-5:15 ng hapon sa elimination round ng 2012 PBA Governors Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Ibabandera ng Tigers ang bagong import na si dating University of Memphis star Omar Shriff Sneed bilang kapalit ni four-year NBA veteran Rashad McCants, nagtala ng mga averages na 25 points, 8 rebounds, 1.5 assists at 1.5 steals sa kanyang dalawang laro sa PBA, kontra sa Aces.
Umiskor ang Llamados ng isang 96-88 panalo laban sa Ginebra Gin Kings noong Mayo 27 tampok ang 21 points ni PJ Simon kasunod ang 18 ni Yancy De Ocampo at 13 ni import Marqus Blakely na may masamang 3-of-15 shooting sa freethrow line.
“Marqus is just amazing with his all-around game. He’s showing here what he did for his school,” sabi ni coach Tim Cone kay Blakely, humakot din ng 17 rebounds, 5 assists, 2 steals at 1 shotblock, na nanguna sa Vermount Cantamounts sa scoring, rebounding, assists, steals at blocks noong 2010 NCAA season.
Nanggaling din sa panalo ang Aces matapos igupo ang Energy, 104-84, noong Mayo 27 bago nila sagupain ang Tigers.
Kasalukuyang hawak ng Rain or Shine ang liderato mula sa kanilang 3-0 record kasunod ang nagdedepensang Petron Blaze (2-1), Barangay Ginebra (1-1), B-Meg (1-1), Alaska (1-1), Barako Bull (1-1), Meralco (1-1), Air21 (1-2), Talk ‘N Text (1-2) at Powerade (0-2).