Finals ikakamada ng Lady Eagles, Tigresses

MANILA, Philippines - Maghahangad uli ang Ateneo at UST na makaulit ng panalo sa Perpetual Help at San Sebastian upang selyuhan na ang pu­westo sa finals sa 9th Shakey’s V-League na han­dog ng Smart at magdaraos ng laro ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Unang sasalang ang Lady Eagles at Lady Altas sa ganap na alas-2 ng ha­pon bago sumunod ang tagisan ng Lady Tigresses at Lady Stags at parehong pupukpok din ang Perpe­tual at San Sebastian para makuha ang mahalagang panalo na magtatakda sa do-or-die game sa Huwe­bes.

Nakauna ang nagde­depensang kampeon na Ateneo at nagbabalik na six-time champion UST nang kunin ng una ang 31-29, 25-20, 25-19 tagumpay sa Lady Altas habang mas mahirap na 25-11, 25-17, 23-25, 21-25, 15-8 panalo ang kinuha ng UST sa Lady Stags.

Walang duda na nasa Lady Eagles at Lady Tigresses ang winning mo­mentum upang mas ma­­paboran na manalo at itakda ang pagkikita sa finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.

Ibabandera uli ang Ateneo nina Alyssa Valdez, Thai import Phee Nok Ke­sinee, Fille Cainglet at Dzi Gervacio para maisulong din sa 9-0 ang malinis na kartang tangan sa torneong may ayuda ng Accel at Mikasa.

Ngunit asahan na ilalabas ng Lady Altas ang pri­de bilang isang NCAA cham­pion at tiyak na gagawin ang lahat ng makakaya para masilat ang mas pinaborang katunggali.

Sina Judy Caballejo, Maika Ortiz at Maruja Banaticla ang mga hahataw uli para sa UST na maa­aring hindi magamit si da­ting MVP Mary Jean Balse dala ng tinamong knee injury sa Game One.

Tiyak naman na ang eksplosibong si Thai resident import Jeng Bualee ang kakamada nang husto para sa Lady Stags.

Ngunit kailangan ding tumulong ang ibang ka­­kampi upang mas gumanda ang tsansa ng koponan na manalo at manatiling buhay ang pangarap na makatikim uli ng titulo sa torneo.

Ang mga larong ito ay mapapanood naman sa live streaming gamit ang www.v-league.ph habang ang delayed telecast sa AKTV 13 ay magsisimula sa alas-7 ng gabi.  

Show comments