Injured ba o walang konsentrasyon?
Nagbalik na nga sa active duty sina Jimmy Alapag, Kelly Williams at Ryan Reyes subalit hindi pa rin nakabangon ang Talk N Text at nalasap nito ang ikalawang sunod na kabiguan sa PBA Governor’s Cup.
At ang nagbaon sa Tropang Texters ay ang Air21 Express sa pamamagitan ng 97-86 tagumpay noong Sabado sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Kung tutuusin, mas malaki ang winning margin ng Express kaysa sa Meralco Bolts na siyang unang tumalo sa Talk N Text, 105-99 noong Miyekules kung kailan bukod kina Alapag, Williams at Reyes ay hindi rin naglaro si Harvey Carey.
So natural na marami ang nagtataka kung bakit natalo ulit ang Tropang Texters at mas malaki pa ang kalamangan ng nakalaban kahit na nagbalik na ang tatlong superstars.
Si Reyes ay nag-ambag ng 12 puntos, si Alapag ay nagdagdag ng siyam samantalang si Williams ay umiskor ng apat. Bale karagdagang 25 puntos iyon, hindi ba.
Kumbaga’y hindi naipagpatuloy ng mga schocktroopers ni coach Vincent ‘Chot’ Reyes ang nagawa nila noong laro kontra Meralco. E hindi nga umabot ng 99 ang score ng Tropang Texters!
So, injuries pa rin ba ang problema ng Tropang Texters? O focus and concentration?
Baka kasi binabagabag pa rin siya ng kanilang kabiguan sa nakaraang Commissioner’s Cup Finals kung saan tinalo sila ng B-Meg sa overtime sa Game Seven upang makamit ng Llamados ang korona.
Kasi nga nama’y parang dalawang segundo na lang sa regulation period ang nagsilbing barrier sa pagitan ng Tropang Texters at ng kampeonato. Kaya lang ay natawagan ng foul si Williams laban sa import na si Denzel Bowles na gumawa ng dalawang free throws upang itabla ang score at ipuwersa ang overtime.
Kung walang foul, tapos na sana ang game. Naidepensa sana ng Tropang Texters ang korona.
Kaya nga magmula noon ay nagngingitngit at nanghihinayang sila.
Dapat siguro’y kalimutan na nila ang Commissioner’s Cup. Tapos na iyon, e. Ituon nila ang kanilang pansin sa Governor’s Cup kung saan pwede naman silang bumawi at muling magkampeon.
Kung nakapaglaro na ang lahat liban kay Carey, aba’y wala ng injury problems ang Talk N Text. Kung may injury, bakit maglalaro?
Ibig sabihin, mental ang problema.
At dahil hindi injury ang problema, aba’y kahanga-hanga tuloy ang nagawa ng Air21 na nakabawi sa masagwang kabiguan sa Barangay Ginebra sa unang laro nito at nagwagi kontra sa isang powerhouse team na gaya ng Talk N Text.
At ang naging susi sa tagumpay ng Express ay ang kanilang import na si Zachary Graham na nagposte ng conference-high 38 puntos bukod pa sa 15 rebounds, isang assist at dalawang steals.
Maganda rin ang ginawa nina Mark Isip at Elmer Espiritu na pawang nagtapos na may double-double. Si Isip ay gumawa na 17 puntos at 10 rebounds samantalang si Espiritu ay may 14 puntos at 10 rebounds.
Kumbaga’y mas focused ang Express kaysa sa Tropang Texters.
Iyon ang nagsilbing susi sa tagumpay.
Kaya pa rin naman ng Tropang Texters na mabawi ang kanilang konsentrasyon kung gugustuhin nila.
Pero dapat ay madaliin nila dahil maikli lang ang elimination round.
- Latest
- Trending