MANILA, Philippines - Bumanat ng two-run single si Ian Mercado sa huling inning upang tulungan ang Philippine bronco team sa 5-4 panalo laban sa Indonesia at pagharian ang PONY Bronco-11 Championships na nagtapos kahapon sa Singapore.
Two-outs na pero tatlong hits ang ibinigay ni Indonesia-Japanese pitcher Kegio Sugita para wasakin ng Pilipinas ang 3-3 pagkakatabla.
Si CJ Castillo ang siyang unang nakatama bago sumunod si Rovic Villanueva at ang dalawa ay naipasok ng hit ni Mercado.
Nakapanakot pa ang Indon team nang makapasok ng isang run habang isang batter ang nasa first base at wala pang out ang koponan sa bottom seventh.
Pero kumapit ang suwerte sa Pilipinas nang tamaan ng batted ball sa papatakbong runner sa second base habang ang bola ay nakuha ni Gabs Alcaraz para sa putout sa first tungo sa double play.
Ang huling batter ng Indonesia ay nahuli naman sa first base sa mahusay na bato ni third baseman Atong Natanauan para ibigay sa Pilipinas ang tagumpay.
Ang pangyayari ay nagresulta upang angkinin ng Pilipinas ang karapatang maglaro sa World Bronco Series na itinakda sa Agosto sa Chesterfield, Virginia sa USA.