PNG pormal na magsisimula ngayon
DUMAGUETE CITY, Philippines -- Pormal na bubuksan ngayong hapon ang 2012 POC-PSC Philippine National Games tampok ang humigit-kumulang sa 5,000 atleta dito sa Freedom Park.
Magsisimula ang seremonya sa ganap na alas-5 ng hapon kung saan magbibigay ng kanilang opening remarks sina Dumaguete City Mayor Manuel Sagarbarria at Provincial Gov. Roel Degamo.
Makakasama rin nina Sagarbarria at Degamo sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia at Commissioner Jolly Gomez.
Bukod sa Dumaguete City at Negros Oriental, magdaraos rin ng ilang sports events ang Laguna, Manila, Pasig, Makati City at Taguig City.
Ang mga events na idaraos sa Dumaguete City at Negros Oriental ay ang archery, arnis, athletics, badminton, basketball, billiards, chess, dancesports, football, futsal, judo, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, triathlon, indoor at beach volleyball, weightlifting, wrestling at wushu.
Ang athletics event ay gagawin sa Perdices Sports Complex mula Mayo 28 hanggang 31, samantalang pakakawalan naman ang swimming competition sa Lorenzo Teves Aqua Center sa Mayo 29 hanggang 31.
Mapapanood naman sa Laguna ang canoe kayak, dragonboat, rugby at taekwondo, samantalang ang motorcycle sports ay sa SM Bicutan at SM Sucat, ang bowling ay sa Sta. Lucia Grand Mall, ang baseball, boxing, soft tennis, gymnastics at diving ay sa Manila, ang shooting ay sa Fort Bonifacio, ang fencing ay sa Philsports at ang wall climbing ay sa The Fort, Taguig City.
Kakatawanin ng mga atleta ngayong 2012 PNG ang kanilang mga Local Government Units (LGUs) kumpara noong nakarang edisyon, ani Garcia.
- Latest
- Trending