MANILA, Philippines - Napalaban man ay hindi pa rin natinag ang UST sa National University sa inangking 25-20, 25-21, 25-22 panalo at pormal na okupahin ang ikalawang puwesto sa pagtatapos kahapon ng quarterfinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart at nilaro sa The Arena sa San Juan City.
Apat na Lady Tigresses ang may 10 hits pataas para sa balanseng pag-atake tungo sa 6-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Naging dikitan ang labanan dahil binigyan din ng playing time ni coach Odjie Mamon ang ibang manlalaro bilang paghahanda sa Final Four sa torneong may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
“Kailangang bigyan ng exposures ang ibang players lalo pa’t papasok na ang liga sa semis,” wika ni Mamon na ang koponan ay nagkaroon ng 26 errors.
Pero isinantabi ito ng nagbabalik na 6-time champion dahil si Thai import Kaensing Utaiwan ay may 12 kills, si Maruja Banaticla ay may 11 attacks, habang tig-10 ang ginawa nina Maika Ortiz at Mary Jean Balse.
Matibay din ang depensa ng UST at nalimitahan si Dindin Santiago sa anim na kills at 3 blocks para tapusin ng Lady Bulldogs ang laro sa 1-6 baraha.
Sa unang laro, tinapos ng Adamson ang laban sa pagsungkit sa ikalawang panalo sa pitong laro sa pamamagitan ng 25-21, 25-12, 25-9 panalo kontra sa Far Eastern University.
May 20 puntos, kasama ang 18 kills, si Nerissa Bautista habang 9 kills tungo sa 11 hits ang ginawa ni Pau Soriano upang malagay ang dating kampeon sa ikaanim na puwesto.