MANILA, Philippines - Matapos angkinin ang nakaraang 2012 PBA Commissioner’s Cup, bubuksan naman ng Llamados ang kanilang kampanya sa Governors Cup.
Sasagupain ng B-Meg ang Rain or Shine ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Powerade at Barako Bull sa alas-5:15 ng hapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Kasalukuyang may magkakatulad na 1-0 record ang nagdedepensang Petron Blaze Boosters, Elasto Painters, Ginebra Gin Kings at Powerade Tigers.
Ipaparada ng Llamados si 6-foot-5 import Marqus Blakely, hindi nakuha sa 2010 NBA Draft ngunit naglaro sa NBA Summer League para sa Los Angeles Clippers kung saan siya lumagda ng isang two-year partially guaranteed contract na nagkakahalaga ng $473,604 per year.
Pinakawalan siya ng Clippers noong Oktubre 25 sa pagtatapos ng training camp at hinugot ng Bakersfield Jam bilang 12th overall pick sa 2010 NBA D-League Draft.
Noong Abril 12, 2011, pumirma ang 23-anyos na si Blakely, ang tanging player sa NCAA na pinamunuan ang koponan ng Vermont sa scoring, rebounding, assist, steals at blocks, ng isang multi-year non-guaranteed contract para sa Houston Rockets.
Ngunit noong Disyembre 22, 2011 ay pinakawalan rin siya ng Rockets.
Puntirya naman ng Elasto Painters ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Alaska Aces, 107-100, tampok ang 27 points ni import Jamelle Cornley, 20 ni Jeff Chan, 17 ni Paul Lee at 11 ni Ryan Araña.
“They came off from a vacation. They won a championship,” sabi ni coach Yeng Guiao sa B-Meg ni mentor Tim Cone. “B-Meg and Alaska almost run the same kind of offense so we know coach Luigi (Trillo) and coach Tim (Cone) are of the same style and same mode.”
Tinalo ng Llamados ang dating kampeong Talk ‘N Text Tropang Texters para sa korona ng nakaraang PBA Commissioner’s Cup.