76ers humirit pa
PHILADELPHIA--Umiskor si Jrue Holiday ng 20 points, habang humakot si Elton Brand ng 13 points at 10 rebounds para pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 82-75 panalo laban sa Boston Celtics sa Game 6 at itabla sa 3-3 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.
Nakatakda ang Game 7 sa Sabado sa Boston.
Maaaring sa Sabado na ang huling laro na magkakasama sina Paul Pierce, Kevin Garnett, Ray Allen at Rajon Rondo para sa Celtics kung hindi nila matatalo ang Sixers.
Binigyan naman ng standing ovation si 76ers All-Star Allen Iverson sa kanyang pagprisinta ng game ball.
Ngunit sa huli, mas pinalakpakan sina Holiday, Brand at Andre Iguodala para sa pagbuhay sa pag-asa ng eighth-seeded na Sixers.
Sa nasabing kabiguan, nagtala ang Celtics ng malamyang 33 percent shooting, 17 turnovers at 3-for-14 3-point shooting.
Naglista si Pierce ng 24 points at 10 rebounds, habang may 20 points at 11 boards si Garnett.
Nagposte naman ang Sixers ng 8-of-9 3-pointers, 17-of-28 shooting sa free throw line at may 12 turnovers.
Ngunit ang basket ni Evan Turner at rebound ni Brand ang nagpanalo sa Philadelphia.
Sakaling manalo ang Sixers sa Game 7, papasok sila sa kanilang unang conference finals matapos noong 2001.
Si Iverson ang hinirang na MVP sa nasabing season.
Matatandaan na noong 1982 Eastern Conference finals, nalusutan ng Sixers ang Boston sa Game 7.
- Latest
- Trending