MANILA, Philippines – Pinayukod ni Bianca Carlos si top seed Gelita Castilo, 21-17, 21-14, upang angkinin ang ladies Open singles crown, habang matagumpay na naidepensa nina Toby Gadi at Mark Alcala ang kani-kanilang titulo sa P1 million MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) circuit kahapon sa Metro Sports Center sa Lahug, Cebu City.
Ginamit ni Carlos ang kanyang eksperyensa para igupo si Castilo sa loob ng 40 minuto at ibulsa ang premyong P70,000 sa nasabing kategorya.
Isang multi-leg winner sa unang edisyon ng event na itinataguyod ng GOAL Pilipinas, nauna nang tinalo ni Carlos si Patrisha Malibiran, 21-3, 21-16, para patuloy na dominahin ang girls Under-19 class ng torneo na inorganisa ng Philippine Badminton Association katuwang ang official equipment sponsor na Victor.
Nakamit ni Carlos ang P20,000 para sa kanyang panalo sa U-19 division.
Binigo ni Gadi si Ralph Ian Mendez, 21-16, 21-12, para sa kanyang pang limang men’s Open singles crown at sikwatin ang premyong P70,000, habang tinalo ni Alcala si Patrick Gecosala, 21-12, 21-11, upang mapanatili ang boys’ U-15 title kasama ang P10,000.
Ginitla naman ni No. 4 Eleanor Inlayo si third seed Jessie Francisco, 21-13, 21-23, 22-20, para ibulsa ang girls’ U-15 belt na nagkakahalaga ng P10,000 sa event na suportado ng Gatorade, Krav Maga Phils., Sincere Construction and Development Corp., Vineza Industrial Sales, TV5 at Badminton Extreme Magazine.
Nakipagtambal si Castilo kay Dia Magno upang talunin sina Jen Cayetano at Kim Mayono, 13-21, 21-19, 21-17, at kunin ang Open women’s doubles crown.
Nagtuwang naman sina Inlayo at Joaquin Deato para payukurin sina Fides Bagasbas at Alyssa Geverjuan, 23-25, 21-8, 21-16, sa U-15 mixed doubles finals.