MANILA, Philippines - Tumataginting na P1 milyon ang gantimpalang ibibigay ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) kay Josie Gabuco matapos manalo ng ginto sa AIBA World Women’s Boxing Championships sa Qinhuangdao, China kamakailan.
Sa PSA Forum inanunsyo ni ABAP secretary-general Patrick Gregorio ang pagbibigay ng insentibo kay Gabuco na siyang kauna-unahang boksingero ng bansa, mapa-lalaki man o babae, na nanalo ng ginto sa AIBA World Championships.
“Masayang-masaya sina pangulong Ricky Vargas at chairman Manny V. Pangilinan at napagkasunduan na bigyan si Josie ng P1 milyon bilang kanyang insentibo,” ani Gregorio.
Inaasahang may darating pang pabuya si Gabuco dahil ang Philippine Sports Commission (PSC) ay nagbabalak na maglabas din ng pondo lalo pa’t hindi pa kasama ang World Women’s Boxing Championships sa mga binibigyan ng insentibo base sa Incentives Act.