Lady Stags biyahe na sa Final 4

MANILA, Philippines - Nagbabagang laro ang ipinakita ni Thai import Jeng Bualee at ang San Sebastian ay nangibabaw sa National University, 22-25, 25-19, 25-23, 25-21, sa quarterfinals ng 9th Sha­key’s V-League na handog ng Smart kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 33 hits, kasama ang 30 kills, si Bualee para tulungan ang Lady Stags na isantabi ang pagkakaroon lamang ng apat na manlalaro na umiskor sa kabuuan ng labanan.

Ito ang ikaapat na panalo ng Lady Stags sa anim na laro at inangkin na rin ng koponan ang ikaapat at huling puwesto sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.

May pinagsamang 27 puntos sina Rubie de Leon at Joy Benito habang apat na hits ang ipinagkaloob ni Ara Mallare upang makumpleto ang mga umiskor sa Baste.

Mas balanse ang open-sa ng Lady Bulldogs dahil sina Dindin Santiago, Maricar Nepomuceno at Myla Pablo ay tumapos taglay ang 18, 14 at 13 hits.

Pero malamya ang depensa nila sa pabalik-balik na import na si Bualee upang tuluyang mama­hinga sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa sa tinamong 1-5 baraha.

Show comments